Road to CPA! Sakay na!

dhundhoo_school_bus_animation

Kami ay kabilang sa unang batch na nakaranas ng K to 12. Marami kaming narinig na positibo at negatibong komento ukol dito sapagkat bago ito sa edukasyon ng Pilipinas. Marami ang may kuro-kuro.  Pakiramdam pa nga ng iba, ang batch namin ay ginawang eksperimento lamang. Ngunit para sa amin, bilang mag-aaral, nakikita namin na mayroong magandang hangarin ang bagong kurikulum na ito sa amin. Importante rin na nakikitaan na marunong umangkop ang mga mag-aaral sa pagbabago sa ating bansa. Walang mali sa pagbabago, ngunit hindi rin namin maitatanggi na sa kabila ng kabutihan nito, marami rin kaming nakikitang problema ukol sa pag-implementa ng K to 12 lalo na’t kami ay nasa kolehiyo na.

Ano muna ang K to 12?

Related image
Nakuha mula sa DepEd.gov.ph

Ang K to 12 ay programang ipinatupad ng pamahalaan at kagawaran ng edukasyon na may layuning makipagsabayan sa edukasyon ng ibang bansa, taglay ang makabagong kakayahan at kaalaman (21st century skills).  Ito ay may karagdagang Grade 11 at Grade 12 upang maihanda ang mga mag-aaral sa pagtatrabaho o pagnenegosyo kung nais nilang huwag ituloy ang kolehiyo, o kaya naman mas ihanda sila para sa kolehiyo.

Ayon sa pamunuan ng DepEd, dumaan sa masusing pag-aaral ang pagbabagong ito sa programa ng edukasyon sa Pilipinas. Ito ay may pitong Core curriculum learning areas na communication, languages, literature, philosophy, mathematics, social sciences at natural sciences na ginagamit sa kurikulum ng senior high school. Ito rin ay may iba’t ibang larangan ng espesiyalisasyon na maaaring pagpilian ng mga mag-aaral para sa senior high upang bigyan sila ng pagkakataon na mahasa sa nais na kursong kukunin para sa kolehiyo.

Paano ito makakaepekto sa kurikulum ng kolehiyo?

Ayon naman sa pamunuan ng CHED, ang kurikulum ng General Education sa kolehiyo ay magkakaroon ng mas kaunting units. Ibig sabihin, ang mga asignaturang nakuha na ng mga mag-aaral sa Basic Education sa senior high school ay hindi na kukunin pa sa kolehiyo.

Upang mas maliwanagan, ang larawan sa ibaba na kinuha mula sa GMA News Online ay nagpapakita ng luma (kaliwang bahagi) at bagong kurikulum (kanang bahagi) na isinagawa ng CHED.

Ang kasalukuyang General Education Curriculum (GEC) na ipinapatupad ng CHED sa kolehiyo

Sinasabi na isa sa mga mahahalagang paraan na ginawang pagbabago ng CHED sa kurikulum bago pa man maipatupad ang K to 12 ay iniayon nila ito sa outcome-based education, na kung saan ito rin ang layunin ng K to 12. Nagsagawa rin ang CHED ng mga alituntunin para sa binagong kurikulum ng General Education upang umayon at mapunan ang mga asignaturang ituturo sa senior high. Ayon sa CHED, kinakailangan daw na isaayos ang kurikulum upang masigurado na ang mga asignaturang kukunin sa kolehiyo ay maiplementa sa pinakamaayos na paraan kaakibat ang pagbabagong edukasyon sa bansa.

Ang mga impormasyong nakalatag ay ilan lamang sa nakita namin matapos manaliksik sa mga lehitimong website. Ngayon ay alam na namin o natin kung ano ang K to 12 at ang epekto nito sa kolehiyo, inalam din namin kung tunay bang napunan ang mga layuning nais makamtan ng bagong kurikulum na ito.

Mga Karanasan Namin sa Loob ng Dalawang Taon sa Senior High School

Nang kami ay nagsagawa ng pagpupulong para sa kung anong isyu ang aming pipiliin para sa photoblog na ito, nalaman namin na hindi pare-pareho ang mga paraan ng mga iba’t ibang paaralan sa pagpapatakbo ng sistema sa senior high. Nagpokus ang diskusyon namin ukol sa kung gaano kagaling ang aming paaralan sa pagtuturo para sa ikaka-unlad ng isang bata at kung gaano katibay ang kaalaman ng bawat isa sa Basic Accounting. At habang kami ay nag-uusap ukol dito, isa lang ang masasabi ng aming grupo,

tenor

“Grabe, NAKAKALUNGKOT.”

Nabanggit na ang K to 12 ay inimplementa upang magdulot ng paglago sa edukasyon ng Pilipinas at para na rin maihanda kami sa kolehiyo. Ngunit base sa aming karanasan, malaki ang kakulangan ng programang ito. Bakit? Dahil kahit na ang bawat miyembro ng aming grupo ay nagmula sa iba’t ibang paaralan noong senior high school, kami ay nagkaroon ng pagkakatulad na karanasan para masabi na hindi maganda ang dulot nito sa amin.

Narito ang mga naobserbahang pagkukulang sa paaralan ng bawat miyembro para sa bagong kurikulum:

1. Kulang sa partikular na epektibong guro para sa partikular na asignatura

Kakulangan sa Guro
Isang artikulo mula sa Manila Bulletin na nagsasabi na ang malaking hamon sa DepEd ngayon, lalo na’t naisabatas na ang K to 12, ay ang kakulangan sa kwalipikadong guro.

Napansin ng aming grupo na hindi nagiging epektibo ang isang guro kung hindi niya propesyon ang natalagang asignatura sa kaniya. Halimbawa na lamang sa aming karanasan, hindi lahat ng naging guro namin sa Accounting noong senior high ay isang propesyonal pagdating doon. Karamihan ay commerce talaga ang propesyon kaya ang nangyayari, nadadamay ang mga mag-aaral na nais matuto ng Accounting, lalong lalo na ang mga katulad namin na nagbalak ipagpatuloy ang Accountancy sa kolehiyo. Hindi nagiging sapat ang kaalaman ng isang bata para sa kolehiyo. Ang mga pangyayaring ito ay dulot ng kakulangan sa guro para sa programang K to 12.

TANONG GURO
Nakuha mula sa https://www.scribd.com/doc/95041238/Tanong-at-Sagot-Hinggil-Sa-Kto12-Program-Ng-Gobyerno-ng-Pilipinas

Para sa amin, walang mali sa pagpapahintulot sa mga guro na magturo sa junior at senior high school kahit na wala pa silang lisensya sa kanilang propesyon. Ang mahalaga ay mahusay nilang nagagampanan ang kanilang trabaho at napapayabong nila ang kaisipan ng mga mag-aaral. Dapat rin na nakaayon sa kaniyang propesyon ang kaniyang asignaturang ituturo.

2. Hindi pa handa ang mga paaralan para sa agarang pagbabago kaya hindi pa maganda ang sistema

Alam niyo ba, hindi talaga kami naniniwala na handa ang gobyerno at ang mga paaralan sa programang K to 12 sapagkat para sa amin, ang mga kakulangang inilista namin dito ay isa nang patunay na hindi gaanong napag-aralan ang magiging epekto nito kung ito ay agarang iimplementahin. Dalawa sa aming grupo ay nabanggit na ang kalakaran ng kanilang paaralan ay pabago-bago at ito raw ay nagdudulot ng kalituhan sa mga mag-aaral ng institusyon. Kaya naman karamihan sa kanila, kabilang na rin ang mga guro, ay napapasabi na lang ng “bulok ang sistema rito.” Kung gayon, kung hindi maayos ang sistema ng isang paaralan, paano na ang pagkatuto ng mga mag-aaral?

Nililinaw namin na hindi namin nilalahat ang mga paaralan. Ang pinupunto namin ay may ilan lamang na hindi gaanong napaghandaan ang programang K to 12. Naniniwala kami na may mga paaralan pa rin na masasabi nating epektibo at mahusay pagdating sa pagpapaunlad sa mga mag-aaral.

3. Ang mga kagamitan sa pagkatuto ay kulang o kaya naman ang nilalaman ay makikitaan ng maraming mali

Nabanggit sa bidyo/balita na ang mga nailimbag na English teksbuk ay nakitaan ng maraming mali. Ganito rin ang naging karanasan namin noon. Marami sa mga teksbuk namin ay inilimbag nang maraming mali.

K to 12 Accounting teksbuk, nakitaan din ng mali

Ang larawang ito ay mula sa Accounting teksbuk ng isang miyembro ng aming grupo. Makikita na ang impormasyon na nakalatag sa libro ay kulang, kaya kinakailangan pa itong baguhin at alamin kung ano dapat ang tamang impormasyon na nakalatag.  Ayon sa kaniya, ito lamang ang nakita niyang mali sa libro sapagkat hindi naman daw ito nagamit kahit isang beses noong senior high school.

Isa lamang ang naipresenta naming larawan hinggil dito ngunit nabanggit ng bawat miyembro na ilan sa mga Accounting teksbuk daw nila ang naglalaman din ng maraming mali.

4. Napansin rin na hindi nabigyang pokus ang asignaturang Accounting

Nakakalungkot isipin na hindi naituro nang husto ang Accounting sa amin. Halos magkakatulad kami ng rason kung bakit hindi naituro ito nang maayos. Pare-parehas kami na ang naging guro namin para sa asignaturang ito ay hindi talaga propesyon ang Accounting.

Dahil sa kakulangan sa guro na magtuturo sa isang partikular na asignatura, napipilitan na lang ang ibang guro na ituro ito sa mga mag-aaral kahit na hindi niya gusto. Ito na rin siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit para sa amin, hindi sapat ang natutunan namin noong senior high school.

Maaaring nasasabi namin ang mga ito dahil kami ang unang batch na nakaranas ng K to 12 at ang lahat ay sinusubukang umangkop sa pagbabago na ito. Ngunit ayon sa nabasa naming artikulo mula sa Philippine Basic Education, ang agarang pagpapatupad ng bagong kurikulum sa Pilipinas ay humaharap sa iba’t ibang problema tulad ng kakulangan sa silid-aralan, mga guro, kagamitan sa pagpapakatuto, at iba pa. Sinasabi rin sa artikulong ito na ang Department of Education na mismo ang nagsabi na magkakaroon ng kakulangan sa mga pasilidad at kalidad sa mga ibang paaralan para sa programang ito.

“Pinipilit naman namin”

Ang isa pang problema na nakikita namin sa programang ito ay ang pagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan sa magiging kurikulum pagtungtong sa kolehiyo. Ang mga araling dapat naituro na noon ay inuulit ngayon dahil hindi nagkaroon ng epektibong paraan sa pagtuturo at pagkatuto noong senior high school. Hindi lamang ang grupo namin ang nakakaranas ng ganitong suliranin. Marami sa mga estudyante ng senior high school ay hindi sang-ayon sa programang ito sapagkat hindi rin naging maganda ang kanilang karanasan dito.  Pakiramdam tuloy namin ay huli ang aming kaalaman kumpara sa mga ibang mag-aaral. Kaya ito kami ngayon, 😥

“Hala! Saan nanggaling ‘yon?”
“Bakit naging ganiyan ang sagot?”

Halos ganiyan maririnig mo sa klase tuwing nagkaklase kami sa Financial Accounting. Nagtataka na nga kami sa aming mga sarili kung bakit hindi namin maintindihan ang konsepto sa Accounting kahit na pinag-aralan na namin ang mga iyon nang ilang araw. Sasabihan pa kami ng aming propesor na kailangan daw naming agahan ang pagbabasa upang hindi kami mahuli tuwing diskusyon, ngunit ginagawa naman namin iyon. Mapapasabi na lang kami ng, “ANO PA BANG KULANG? HINDI NA NGA AKO NATULOG.”

12

34Alam namin na mahirap talaga ang buhay sa kolehiyo, ngunit napansin namin na kakaiba ang nararanasan namin ngayon. Ngayong unang taon namin sa kolehiyo ay kinukuha na agad namin ang ibang mga asignaturang kinukuha sa ikalawa at ikatlong taon. Ito ang dahilan kung bakit kami hirap na hirap. Alam naming kulang ang kaalaman namin para sa ganitong klase ng asignatura. Isang malupit na pakikiayon at paghahanda ang kailangan namin dito. Ayos lang naman sa’min ang ganitong sitwasyon kung maganda rin ang naitayo naming pundasyon noong senior high school, kaso wala… kulang talaga…

Maganda ang layunin ng K to 12. Nakikita namin na hangad ng pamahalaan at kagawaran ng edukasyon na nais nilang paunlarin ang edukasyon sa bansa, ngunit talagang hindi pa ito handa lalo na’t biglaan ang dating nito sa iba. Marami ang na-culture shock o nanibago sa kurikulum na ito. Isa pa, dagdag pasanin din ito para sa mga mag-aaral dahil inaasahan ng ibang unibersidad na maganda ang pundasyon namin ukol sa kursong kinuha namin, kaya naman hindi na nabibigyang pokus ang mga asignaturang prerequisite.

Ito ang nararanasan namin ngayon nang pumasok kami sa Unibersidad ng Santo Tomas sa kursong Accountancy.

Paano kaya ito masosolusyunan?

Wikang Filipino sa Kurso ng Accountancy

Ang kagandahan sa wikang Filipino pagdating sa kursong Accountancy ay mas napapadali nito ang pag-unawa namin sa mga depinisyon at konsepto sa accounting sapagkat hindi katulad sa wikang Ingles, hindi nito nakukulong ang kaisipan ng isang bata sa pag-iisip ng kung ano ba ang salin nito sa wikang Filipino. Napapansin rin namin na ang ibang mga mag-aaral ng kursong Accountancy (kabilang kami rito) ay hirap makaintindi ng mga konsepto sa libro na nakalimbag sa wikang Ingles, sapagkat nabanggit nga namin na marami sa amin ang mayroong mababang pundasyon ukol dito.

Ang accounting ay nilalaman ng mapakaramig konsepto tulad na lamang ng adjustments, closing, reversing at iba pa. Meron ding batas at tax sa aming kurso, kaya naman mainam ang paggamit ng bilinggwal o wikang Filipino na may rejister sa kursong ito. Dahil dito, maaaring mabawasan ang kalituhan, magkaroon ng mas madaling pagkakaunawaan at mas madagdagan pa ang pundasyon ng mga mag-aaral sa Accounting. Ang wikang Filipino, bilinggwal at rejister ay mayroong kalamangan hindi lamang sa disiplina ng Accountancy kundi pati na rin sa iba pang kurso sa kolehiyo.

Paano namin ito nasabi?

Narito ang ilang patunay o datos na aming nakuha na magsusuporta sa solusyong aming iminumungkahi.

renato contantino

Intelektuwalismo at Wika – Renato Constantino

Ito ay isa sa mga ginagamit naming materyal pampagkatuto sa asignaturang Filipino 1 ngayong unang taon namin sa kolehiyo. Para sa amin, isa itong magandang babasahin tungkol sa pagkikritik sa lagay ng wika sa bansa sa kasalukuyan.

Ayon sa artikulong isinulat ni Renato Constantino, ang Ingles ay nakapigil sa pag-unlad ng karamihan sa Pilipino sapagkat nagiging limitado ang kaalaman at kakayahan. Hindi umuusbong ang kanilang pananaw at saloobin pagdating sa wikang Ingles sa kadahilanang nakukulong daw ang pag-iisip ng isang indibidwal sa kung ano ba ang salin nito sa kaniyang sariling wika.

Pambansang Kumprehensiyang Pang-Agham Unibersidad ng Santo Tomas, Maynila

Nabanggit ni Ginoong Virgilio Almario, Tagapangulo ng KWF at Pambansang Alagad ng Sining, ang importansya ng paggamit ng wikang Filipino sa Agham. Ang kaniyang pananaw ay may pagkakatulad sa pananaw ni Renato Constantino. Ayon din sa kaniya, hindi umuusbong ang Agham sa Pilipinas sapagkat Ingles ang ginagamit sa asignaturang ito. Hindi ito gaanong naiintindihan ng mga mag-aaral.  Kapag wikang Ingles ang mga terminolohiya sa Agham ay parang nag-aaral din ang isang mag-aaral ng panibagong salita. Hindi katulad sa wikang Filipino, makukuha na agad ang konsepto nito ng isang Pilipinong mag-aaral sapagkat ito ang ginagamit sa pang-araw-araw na buhay. Halimbawa na lamang ay ang mga sumusunod:

  1. Numeral – Pambilang (Ang salitang ugat ay bilang na tumutukoy sa numero.)
  2. Integer – Buumbilang (pinagsamang buo at bilang)
  3. Fraction – Hatimbilang

Ayon sa kaniya, kung tutuusin, madali lang intindihin ang wikang Filipino. Sadyang binabalewala lamang ito ng karamihan at pati na rin ng ating gobyerno.

Pagpaplano

Kung iisipin, mukang mahirap aksyunan ang ganitong isyu sapagkat kami ay mga mag-aaral pa lamang. Ngunit naisip namin na kami ay mga mag-aaral din naman, bakit hindi namin gamitin ang aming kaalaman? Kaya naman napagdesisyunan namin na magpa-tutorial sa mga kapwa namin estudyante na nais matuto ng Basic Accounting gamit ang wikang Filipino!

Nangangamba pa kami na baka hindi namin ito magawa ng maayos, ngunit buti na lang at may ganitong libro!

TADAAA!!!

IMG_1829
Ito ang ilan sa mga librong isinulat ni James Cristopher Domingo na nagtapos ng Bachelor of Science in Accountancy sa Unibersidad ng Santo Tomas, at ngayon ay isa nang propesor sa nasabing institusyon.

Karamihan sa binalak naming ituro sa kanila ay kinuha namin mula rito. Grabe! Isa itong life saver para sa amin sapagkat ang wikang ginamit dito ay wikang Filipino na may halong rejister sa Accounting. Naging isa ito sa mga dahilan kung bakit namin naunawaan nang mas maigi ang mga konsepto sa Accounting kaya naman pakiramdam namin ay mas mapapadali ang pagtuturo namin sa magaganap na tutorial.

IMG_1831
Ang mga miyembro ng grupo ay nagkaroon ng pagpupulong upang maisaayos ang plano sa gagawing tutorial.
IMG_1828
Karamihan sa mga leksyong ituturo sa aming kapwa mag-aaral ay galing sa aklat ng Hairy Potter

Pagkatapos ng gagawing tutorial ay inaasahan ng aming grupo na magkakaroon sila ng mga ganitong kakayahan sa Basic Accounting:

layunin SA pagkatuto

SCHED
Ang iskedyul na ito ay maaari pang magbago depende sa pangangailangan at kagustuhan ng mga kalahok sa tutorial.

Ang mga konsepto at leksyong nilalaman ng aming layunin sa pagkatuto ay ang magiging pundasyon ng mga kalahok sa kanilang mahabang paglalakbay sa kursong BS Accountancy. Dagdag pa rito ang pagtuturo sa kanila gamit ang wikang Filipino na, sa aming palagay, ay higit na makakatulong sa pag intindi o pag unawa ng aming mga tuturuan. Kami man ay mga estudyante lamang, sisiguraduhin namin na ang bawat isa ay makakapaghanda sa lahat ng aspeto upang matupad namin ang aming layunin: ang matulungan ang aming mga kapwa mag-aaral na makayanan ang malalaking pagbabagong naganap matapos ipatupad ang K-12 program. Isa rin itong pagkakataon para sa amin na mahubog ang aming pakikitungo sa ibang tao at mapalawak ang mga kaalaman sa accounting. Dahil dito, masasabi namin na ang isasagawa namng tutorial ay hindi lang para sa aming mga tuturuan, kundi para sa amin din.

Kahit na ang aming materyal sa pagtuturo ay naglalaman ng Ingles na mga salita o ang mga rejister ng Accounting, ang pagunawa nito sa wikang Filipino ay nakakatulong upang mas mapagaan ang leskyon, at pati narin ang mga nakakatawang linya na inilagay ng awtor upang ma-enganyo ang mga mambabasa sa pag-aaral nito.

Paghahanda

Sa aming paghahanda, naisipan ng aming grupo na gumawa ng isang group chat  sa Messenger kasama ang mga kalahok upang  mapag-usapan ang nalalapit na tutorial. Naging mas madali ang pakikipag-ugnayan namin sa mga kalahok sapagkat isa sa aming grupo ay may kakilala sa kanila.

Karamihan sa mga naging kalahok namin sa magaganap na tutorial ay mga 1st year college na kumuha rin ng Bachelor of Science in Accountancy. May ilan na hindi talaga BSA ang kinuha ngunit naging interesado sila dito sapagkat mayroon din silang asignaturang Accounting.

IMG_7657
screenshot ng mga ilang parte sa aming pag-uusap sa Messenger

Pinag-usapan namin dito kung saan gaganapin, kung anong petsa, agenda, at iskedyul ng tutorial. Nanghingi rin kami ng kanilang suhestiyon sa kung ano ang nais nilang malaman o paksa na ibabahagi namin para sa kanila.

“Kahit ano lang po na tingin niyong okay na ituro. Sa totoo lang wala naman kaming natutunan noong senior high. Nagsayang lang kami ng pera.” – Hannah Chavez

“Lahat po simula umpisa kasi hindi naman naturo sa’min ‘yan dati.” – John Michael Iluis

Dito namin nalaman na talaga ngang karamihan sa amin ay hindi maganda ang pundasyon sa Accounting kaya naman napagdesisyunan namin na sundin ang unang nagawang layunin sa pagkatuto.

Sa pag-uusap na naganap, nagkaroon kami ng problema sa paghahanap ng lugar na sasang-ayunan ng lahat. Mabuti na lamang ay may nagbigay ng suhestiyon na gawing lugar ng paggaganapan ang kanilang tahanan sapagkat ayon sa mga kalahok, ito ang pinakamainam sa lahat. Natuwa naman kami na inalok niya ang kanilang lugar at hindi namin inasahan ito.

kStqI6W

Aktwal na tutorial

Ang aktwal na tutorial ay naganap noong ika-2 ng Nobyembre, 2018. Naganap sa San Mateo, Rizal

Napagdesisyunan ng aming grupo na ang mga gagamiting materyal sa pagkatuto o handouts ay ang mga ginagamit din namin ngayon sa aming paaralan upang mas makatipid at mas mapadali kami sa tutorial. Isa pa, walo lamang ang nakuha naming kalahok sapagkat nagkaroon kami ng kakulangan sa oras upang manghikayat pa ng mas maraming mag-aaral.

Ang tutorial ay nagsimula sa oras na 9:00 ng umaga at natapos nang 3:30 ng hapon.

IMG_1857
Teknik na ALORE sa kamay
IMG_1859
Paggamit ng t-accounts at work back

Sa tutorial na naganap, napansin namin na naging maganda ang daloy ng aming pagtuturo. Ito ay dahil sa librong aming ginamit na pinamagatang “Hairy Potter”.

Ibinahagi rin namin ang mga natutunan na teknik sa aming kapwa mag-aaral. Ilan sa mga teknik na ito ay ang ALORE sa kamay (asset, liability, owner’s equity, revenue at expense), ang paggamit ng T-accounts, at work back. Nasiyahan ang mga kalahok sa teknik na ito.

“Oo nga noh! Di ko naisip ‘yon!!!”
“Road to Cum Laude!!!”
“CPA 2023!”

IMG_1852
“Hala, hindi nagbalance.”

Ito ang ilan sa mga nasabi nila. Nakikita rin namin ang aming mga sarili sa kanila tuwing nakukuha at nahihirapan sila sa mga gawaing pang-Accounting. Tulad namin, nakakapagsabi rin sila ng mga salitang balbal sa mga hindi inaasahang panahon.

Binigyan din namin sila ng mga gawain upang masigurado naming may natututunan sila mula sa amin. Pinagawa namin sila ng mga journal entry, ledger, t-accounts, at mga problem solving.

Hindi naging perpekto ang naganap na tutorial sapagkat may mga ilang konsepto ang hindi namin naituro sa kanila. Gayunpaman, hindi namin hinayaang matapos ito nang hindi nasusunod ang nais naming mangyari kaya naman, ang layunin sa pagkatuto ay nakamit.

IMG_1858IMG_1850IMG_1851

Hindi ba’t ang sarap sa pakiramdam na naiintindihan mong mabuti ang Accounting? Syempre, kami, bilang mga nagturo sa kanila, nakakataba ng puso na makita sa kanilang mga mukha na tila nakamit namin ang nais naming layunin para sa tutorial na ito. Isipin mo, noon kami ang nasa ganitong posisyong hindi pa husto ang kaalaman tungkol sa accounting ngunit ngayon, kami na ang nagbabahagi hindi lamang ang mga kaalaman kundi, pati na rin ang aming mga karanasan. Nakakatuwa rin na kahit ang kursong aming kinukuha ay hindi pokus sa pagtuturo, nagkaroon pa rin kami ng pagkakataong maranasan ang maging guro.

Pagtapos ng tutorial, nagbigay kami ng suhestiyon na magandang gamitin ang librong Hairy Potter bilang reperensya sa kanilang pag-aaral. Mainam din na mag-ensayo ng mga iba’t ibang transaksyon at tanong habang maaga pa upang maging handa sila sa mga hindi inaasahang ihahanda ng kanilang propesor.

Pagtatapos

Sabi nga ng karamihan, mas madaling maintindihan ang konsepto kung ito ay nakasalin sa ating sariling wika sapagkat dito tayo sanay. Ang paggamit ng iba’t ibang lenggwahe (English, Filipino, o kaya naman Taglish, rejister) sa kurso ng Accountancy ay maaaring mas mapahusay pa ang abilidad ng isang indibidwal sa pagsusuri na magagamit niya sa silid-aralan o kaya naman sa trabaho. Kaya naman, para sa amin, mainam na hindi tayo nagpopokus sa wikang Ingles lamang. Yakapin natin ang ating sariling wika nang mabigyang dangal ito sa mata ng lahat.